President's Corner
Patuloy pa rin ang pagsibol ng Ateneo Chemical Society.
Mula sa napakalaking mga pagbabago sa nakaraang taon, kung saan nanalo pa ang organisasyon ng parangal na “Most Improved Organization” mula sa COA, nagpapatuloy tayo ngayon sa pagpapahusay sa ACheS. Hindi pa naman sukdulan ang naabot ng organisasyong ito, at naniniwala ako sa potensya ng mga miyembro nito. Alam kong maisusulong pa natin ang ACheS tungo sa higit na kabutihan at kaunlaran.
Sa nakaraang taon, naitalagang “Member formation and empowerment” ang basehan ng pagkilos ng organisasyon. Ngayong nailatag na ang pundasyon ng aktibong pakikisangkot ng mga miyembro, nais naman pagtuunan ng pansin ng ACheS ang palabas na pagkilos. Natural nga raw na kasunod ng paloob na kilos ay ang katumbas na palabas na pagtataya tungo sa Iba.
Sa dahilang ito, tema natin para sa taong ito ang “Reaching Out: Empowerment towards greater impact.” Sa paggamit ng aktibong pakikisama ng mga miyembro, nais nating mapalawak at mapalalim ang gawain ng ACheS. Masasayang ang maaaring idulot ng ACheS kung hindi maipaaabot sa iba. Kasabay nito, mabubuo ang mahahalagang relasyon sa iba. Sa pagtawid tungo sa hindi madalas nakakatrabaho, mas marami siguro tayong matututuhan bilang mga miyembro ng organisasyon at bilang mga lider ng hinaharap.
Nawa’y magkaroon nga tayo ng masaganang taon.
David P. Peralta
Pangulo
Ateneo Chemical Society